State of the Nation: 'The Filipino is definitely worth fighting for'.

(State of the Nation Address by President Benigno S. Aquino III delivered before the Congress of the Philippines, Batasang Pambansa, Quezon City.)

Maraming salamat po. Salamat po. Maupo po tayong lahat. Salamat pong muli. Maupo po tayo.

Bise Presidente Jejomar Binay; dating Pangulong Fidel Valdez Ramos; Senate President Franklin M. Drilon at ang mga miyembro ng Senado; Speaker Feliciano Belmonte Jr. at mga miyembro ng Kamara de Representante; Chief Justice Maria Lourdes Sereno at ang ating mga mahistrado ng Korte Suprema; mga kagalang-galang na kagawad ng kalipunang diplomatiko; mga miyembro ng Gabinete; mga opisyal ng lokal na pamahalaan; mga kasapi ng militar, pulis, at iba pang kawani mula sa ating unipormadong hanay; mga kapwa ko nagseserbisyo sa taumbayan; at sa aking mga Boss, ang mga minamahal kong kababayan: magandang hapon po sa inyong lahat.

Ito po ang aking ikalimang SONA, isa na lamang ang natitira. May kasabihan po tayo: Ang hindi lumingon sa pinanggalingan, hindi makararating sa paroroonan. Kaya marapat lang po siguro tayong magbalik-tanaw:

Noon, sa sitwasyon natin: Para bang kahibangan ang mangarap. May burukrasyang walang saysay, patung-patong ang tongpats, at bumubukol ang korupsyon sa sistema. Naturingan tayong "Sick Man of Asia." Ang ekonomiya natin, matamlay; ang industriya, manipis. Walang kumpiyansang mamuhunan sa atin pong bansa. Ang resulta: kakarampot ang trabahong nalilikha. Dinatnan nating tigang sa pag-asa ang mamamayang Pilipino. Marami sa atin ang sumuko at napilitang makipagsapalaran sa ibang bansa. Nakayuko na lamang nating tinanggap: Talagang wala tayong maaasahan sa ating pamahalaan at lipunan.

Nalugmok nga po ang Pilipinas dahil sa labis na pamumulitika. Naglaho ang pananalig natin sa isa't isa, humina ang kumpiyansa sa atin ng mundo, at ang pinakamasakit: Nawalan tayo ng tiwala sa ating mga sarili.

Sa puntong ito natin sinimulan ang pagtahak sa tuwid na daan.

Bilang ama ng bayan, nakaatang sa aking balikat, hindi lang ang mga suliraning ating dinatnan at mga lumilitaw sa kasalukuyan--obligasyon ko ring paghandaan ang kinabukasan. Sa bawat sandali, kailangan kong isaalang-alang ang interes at punto-de-bista ng lahat. Isipin na lang po ninyo: Para kang nanonood ng 200 channel sa telebisyon nang sabay-sabay. Kailangan, alam mo, hindi lang ang kasalukuyang nagaganap, kundi ang pinanggalingan at paroroonan ng nilalaman ng bawat channel. Bawal malito, at kailangan, may tugon ka sa anumang tanong, suhestyon, at kritisismo--at dapat sagutin mo ito, bago pa iharap sa iyo. Hindi po madali ang trabahong ito, at tao lang po ako, na kung minsan, nagkakaroon ng agam-agam.

Ngunit buo ang aking loob dahil malinaw ang aking pangunahing layunin: Ang ibalik ang gobyerno sa dapat nitong tuon -- ang paglingkuran ang taumbayan sa lahat ng panahon.

Di po ba't may kasabihan tayo: Bigyan mo ng isda ang tao, at mapapakain mo siya ng isang araw. Turuan mo siyang mangisda, at habambuhay niyang mapapakain ang sarili niya. Halimbawa nito ang TESDA. Sa Training-for-Work Scholarship Program, nag-ambag ang DAP ng 1.6 billion pesos. Nakapagpatapos po ito ng 223,615 benepisyaryo. 66 percent nito--o katumbas ng 146,731 graduates--ang nagtatrabaho na ngayon. Iyon naman pong 34 percent na natitira, tinutulungan na rin ng TESDA na makahanap ng trabaho. Tingnan po ninyo: Lahat po ng mga TESDA scholar, nakalista ang pangalan at iba pang datos, na puwede ninyong kumpirmahin.

Kung hahatiin natin nandyan po yata ang listahan sa bilang ng graduates ang naipagkaloob na pondo, pumapatak ng 7,155 piso ang naipuhunan ng pamahalaan para sa training ng bawat scholar. Sa BPO sector, mababa na ang kitang 18,000 piso kada buwan. Kada taon, kikita siya ng 234,000 piso. Ibigay man ang maximum tax deduction, ang magiging income tax niya kada taon: 7,900 piso. Ibig sabihin, ang pinuhunan ng estadong 7,155 piso, sa unang taon pa lang, nabawi na, may sobra pa. Ito, at ang lahat ng ibinuwis ng ating scholar hanggang magretiro siya, ay magbibigay naman sa kanyang kababayan ng parehong pagkakataon. Ito po ang mabuting pamamahala: May tama pong intensyon, pamamaraan, at resulta. Lahat panalo.

Pakinggan po natin ang kuwento ng dalawang TESDA graduate: [VIDEO PRESENTATION - 2 TESDA STORIES]

Nasimulan na rin po natin ang Expanded Conditional Cash Transfer Program nitong Hunyo 2014, na may pondong 12.3 billion pesos. Ngayon, suportado na rin ng estado hanggang umabot ng 18 taong gulang ang benepisyaryo.May magtatanong bakit? Batay po kasi sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies, 40 porsyento ang dagdag na sinasahod ng high school graduate, kumpara sa grade school lang ang natapos.

Namumuhunan po tayo sa pinakamahalagang yaman ng bansa: ang taumbayan. Pinapatunayan ito ng datos ng NEDA. Ayon sa kanila, ang 27.9 percent na poverty incidence natin sa unang semestre ng 2012, bumaba patungong 24.9 percent sa kaparehong panahon noong 2013. Ang 3 percentage points pong ito ay katumbas ng halos 2.5 milyon na Pilipinong naka-alpas na sa poverty line. Totoo namang dapat pagtuunan ng masusing pansin ang pinakamahihirap sa lipunan. Pero hindi tayo titigil diyan: Ngayong nadagdagan ang kakayahan natin, sinisikap nating hindi na manumbalik sa ilalim ng poverty line ang lahat ng nakaalpas na.

Dumating po tayo sa lipunang parang isang sirang bahay na hindi natin malisan. Ang malala pa dito, halos wala tayong kagamitan at materyales para ayusin ang sira. Nitong mga nakaraang taon, sa pakikiambag ng bawat mapagkapwang Pilipino, nabubuo na natin ang mga kagamitan at materyales na ito -- tulad po ng budget na tanging nakatuon sa pangangailangan ng mamamayan, at apat na sunud-sunod na taon na nating naipapasa sa tamang oras. Kasama nito ang mga batas na nagpapabilis ng pagdating ng pakinabang sa ating mga Boss.

Dito po--sa isang patas na sistema--nagsimula ang panunumbalik ng sigla ng ating ekonomiya. Nakatipid tayo dahil sa maayos na pangangasiwa ng pondo. Napapalawak natin ang saklaw ng mga serbisyo nang hindi nagtataas ng buwis, maliban sa Sin Tax Reform na layuning ibsan ang bisyo sa lipunan.

Nagtrabaho tayo para magkaroon ng kakayahang tustusan ang mga proyektong ipinapatupad, ipinatutupad, at ipatutupad pa natin. Pinaigting natin ang pangongolekta ng buwis: mula sa koleksyong 1.094 trillion pesos noong 2010, naitaas natin ito sa 1.536 trillion noong 2013. Inayos natin ang pamamahala ng ating mga utang. Ang resulta: Bumaba ang ating debt to GDP ratio; ang perang dating dapat ibabayad sa interes, napupunta na sa social services. Pati ang mga obligasyong karamihan ay minana lang, natugunan din natin. Halimbawa po nito: 1993 o panahon pa ni Pangulong Ramos nang itinakda ang obligasyong i-recapitalize ang Bangko Sentral ng Pilipinas sa halagang 50 bilyong piso para magawa niya ang kanyang tungkulin. Ang napondohan ni Presidente na 10 bilyong piso, at hindi na nadagdagan ito. 40 bilyon ang kakulangang iniwan sa atin; nabayaran na po natin ito.

Pinaghirapan natin ang pondong mayroon tayo ngayon, kaya't hindi po natin maaatim na waldasin lang ito. Kung pipili nga ng tamang pinuno ang ating mga Boss, malalagpasan pa ng susunod ang ating mga nagawa, dahil malaki na ang naibawas natin sa problema, at mas matayog na ang kanilang pagmumulan.

Bakit po mas matayog? Nitong 2013, sa unang pagkakataon, nagkamit tayo ng investment grade status mula sa Moody's, sa Fitch, at Standard and Poor's--ang tatlong pinakatanyag na credit rating agency sa mundo. Sa pagsusuri nila ng ating macroeconomic fundamentals at governance, nabawasan ang riskong itinatala, kaya tumingkad ang kumpiyansa ng mga namumuhunan. Hindi pa nga po nakuntento ang Standard and Poor's: Nitong Mayo lang, panibagong upgrade na naman ang ibinigay nila sa atin. Ang hatid po nito: Dahil nga investment grade na tayo, mas murang mahihiram ng gobyerno ang pondo para sa mga programa at proyekto, mas maraming naaakit na mamuhunan sa ating bansa, at mas mabilis na natatamasa ng Pilipino ang benepisyo.

Kung susumahin naman po ang lahat ng puhunang pumasok sa Philippine Economic Zone Authority simula nang itatag ito noong 1995, makikitang 42 porsyento ang pumasok sa apat na taon ng ating panunungkulan. Ang natitirang 58 percent, inabot ng 15 taon ang ibang mga administrasyon para bunuin. Kumpiyansa po tayo: bago tayo bumaba sa puwesto, papantayan o hihigitan pa natin ang halagang ito. Kay Director General Lilia de Lima: Salamat sa nagawa mo na, at gagawin pa, sa pagkamit ng tagumpay na ito.

Talagang pa-take-off na ang ating ekonomiya at bansa, at inaabot na natin ang mas matatayog pang mithiin. Minana natin ang tila grounded na aviation industry: napatawan tayo ng significant safety concerns ng International Civil Aviation Organization o ICAO, nabigyan ng downgrade ng United States Federal Aviation Administration, at nilagyan ng restriction ng European Union ang ating mga local carrier.

Nitong 2013, inalis na nga po ng ICAO ang significant safety concerns sa Pilipinas. Sa parehong taon, sinundan ito ng pagpayag ng European Union na muling lumipad ang Philippine Airlines patungong Europa, kaya direkta nang makakabiyahe ang Pilipino mula Maynila po hanggang London. Malamang nga po, pasunod na ang Cebu Pacific dahil nabigyan na rin sila ng pahintulot ng EU ngayong 2014. Ngayong taon din, inupgrade ng United States Federal Aviation Administration ang Pilipinas balik sa Category 1. Dahil dito, maaari nang dumagdag ang mga ruta papunta sa Estados Unidos. Sa larangan ng turismo at pangangalakal, malaki ang itinulong ng pagdami ng flight ng ating airlines tungo sa mga bansang kasapi ng EU at Estados Unidos.

Dumarating sa atin ang mga ulat na sa dami ng gustong bumisitang negosyante at turista sa ating bansa, kulang na ang mga biyahe papunta rito. Magandang balita nga po ang mga upgrade: Dadami ang biyahe, kaya't matutugunan ang suliraning ito. At sa patuloy na pagtutulungan ng CAAP at ng ating mga local carriers, pihadong mas marami pa tayong maaakit na turista at negosyante sa mga susunod na...

To continue reading

Request your trial

VLEX uses login cookies to provide you with a better browsing experience. If you click on 'Accept' or continue browsing this site we consider that you accept our cookie policy. ACCEPT